Rebyu: Ang Klik at si Roland Barthes

Klik. Isang dulang musical ni Reuel Aguila, musika ni Marco Antonio Rodas.

 

Nasa yugto na ang kabataang Pilipino na hayok sa imahen ng sarili. Sa paglaganap ng selfie culture, umiigting ang kultura ng obsession sa sarili, sa angulo ng mukha, sa pigil at tensyon, sa rikit ng hitsura, at sa maraming kagandahan na hindi dapat lumipas.

Ang demokratisasyon ng kamera ay isang phenomenon sa kasalukuyang mundo. Lahat pwede nang maging photographer basta may camera, mapa-iPhone, digicam, webcam, o DSLR man. Sinabi ni Roland Barthes sa Camera Lucida na ang relasyon ng ganitong kalakaran ay dahil na rin sa esensya ng retrato bilang representasyon ng flattened na realidad na malayo ang pagkakaiba sa midyum ng pelikula o painting.

12633493_557796127719196_538330680363837292_o

 

Napapanahon kung gayon na isinateatro sa isang abandonadong Pacific Mall Theater ng Lucena, Quezon ang Klik, isang dulang musical ni Reuel Aguila (Palanca Hall of Famer at punong tagapayo ng pambansang samahan na Kataga) at isinamusika ni Marco Antonio Rodas (3rd place sa kategorya ng dula sa Don Carlos Palanca Awards for Literature 2015). Halos karamihan sa cast ng musical ay mula sa isang sangay ng pambansang organisasyon ng mga manunulat, ang Kataga-Lucena Tanghalan (Kalutang).

Ipinalabas ito mula Marso 3-6, 2016. Napanood ko ang ikalawa sa huling palabas ng dula sa Marso 6 (Linggo). Hindi naman ako nagsisi sa pagdayo sa Lucena. Nakamamangha na ito’y blockbuster at pinilahan ng kabataan ng Lucena. Napuno ang buong teatro, may mga umupo pa nga sa hagdanan. Bakit kay nagklik sa masang kabataan ang musical na ito?

Nais kong sagutin ang tanong sa isang paglalahad ng paglikha ng isang dula. Lahat ng dula nagsisimula sa wala. Kung bubuo raw ng dula, magsimula sa isang blank space.

Sa blank space, papasok ang isang manginginom na photographer, si Jethro, ‘di kagwapuhan, mabalahibo at maitim pero ang lakas ng sex appeal! Habulin ng kaniyang kaibigang GRO at ng kaniyang modelong kinukuhaan sa Maynila. Kahit anong gawin nila, ‘di talaga niya magustuhan sila. Friendzoned talaga sila.

Nang bigyan siya ng asaynment para pitikan ang isang piketlayn ng mga magsasaka sa probinsya, makikilala niya ang babaeng bibihag ng kaniyang puso, isang dalagang kadre ng mga magsasaka, si Laya. Hindi nakapagpigil ang kaniyang puso, palagi nang si Laya ang nasa isip niya. Napaloob ang kaniyang desire sa isang retrato ni Laya.

Natandaan ko si Roland Barthes sa eksenang ito. Sa tuwing pinipitik natin ang kamera, aniya, naikukulong ng kamera ang isang moment, ang isang panahon na lumipas sa frame ng isang retrato. Ipinapakita ng retrato na umiral ang isang nilalang, pangyayari, o bagay sa isang panahon.

Ang Spectator (ang mambabasa o tumitingin sa retrato) ang siyang lumilikha ng sariling interaksyon sa pangyayari sa loob ng isang retrato (Real sa konsepto ni Jacques Lacan), sa kung ano ang meron, ano ang nagbago, ano nandiyan, at ano ang hindi pa nararanasan, nakikita, o nalalaman sa pagitan ng ngayon at ng susunod na moment.

Ayon pa kay Barthes, ang retrato ang siyang lumilikha ng bitak sa alaala, nirarahas ang kakayahan ng alaala na lumikha ng imahen sa kaisipan sapagkat laging ipinaalala nito na may katotohanan sa likod ng bawat hitsura.

Ang balintuna pa rito’y sa tuwing kumukha ng retrato, ipinaalala nito ang papalapit na kamatayan ng isang tao (kumabaga’y isang memento mori). Kung sa Pilipinas nga lang, ang mito ng magpakuha ng tatlong tao sa isang frame ay nangangahulugang malas raw at unang mamamatay ang nasa gitna.

Ang Klik ay naglaro mismo sa kwento ng pag-ibig at kamatayan. Multimodal ang mga eksena. May mga bidyo sa iskrin. Minsan ifinaflash ang mga bidyo ng kasaysayan ng Pilipinas sa iba’t ibang yugto ng karahasan mula kina Corazon Aquino hanggang kay Gloria Macapagal Arroyo.

Sumasalimbayan ang pinipitik na retrato sa kamera ni Jethro sa katotohanan na maaaring magkahiwalay sila, na magiging masalimuot ang pag-iral ng kanilang relasyon ni Laya.

Nang mapansin ng ama-amahang boss niyang puro si Laya ang inaatupag niya, nilipat siya sa isang fashion photoshoot ng modelo, at boss niya ang nagcover sa mga nagaganap sa piketlayn.

Habang ito’y nangyayari, sinugod ng mga military ang mga magsasaka sa nayon. Sa kasagsagan ng karahasang ito, makikita kung paano ang retrato ay isang pagpapaalala sa kamatayan ng tao.

Namatay ang matalik na boss ni Jethro kasi binaril ng military habang pumipitik. Winasak ang mga pananim. Sinaktan ang mga abang anakpawis. Pinagbabaril ng mga militar ang kadreng organizer ng mga magsasaka.

 

12800379_10205953241695153_6975486907292311255_n
Si Sayuri Pardito, isa sa mga hinangaan kong mangangawit sa Klik. Gumanap siya bilang lead actress, si Laya. (c) Radical Worx Productions

 

Nawalay si Laya sa kaniyang pamilya. Ang kwento nadakip at napatay siya sa kaguluhang ito. Nagising si Jethro sa katotohanan at kontradiksyon ng kaniyang propesyon. Iniwanan niya ang Maynila mahanap lamang si Laya. Pero ang tangi niyang nakasalamuha, mga bugbog at dahas ng mga militar. Matagal tagal din bago muling magkita silang muli.

Nagpakalasing si Jethro sa kawalan. Sa hinaba-haba ng panahon ng paghahanap, magtatagpo muli sina Laya at Jethro na ibang-iba na sa kanilang sinimulan. Naging GRO at puta si Laya sa bar na pagmamay-ari ng isang baklang militar.

Nagplano silang tumakas, ala-Maynila sa Kuko ng Liwanag. Pero dito, hindi talo si Laya. Nakatakas siya sa tulong ng mga kasamang kadre ng hukbong magsasaka. Ang huling eksena’y pakiwari o pahiwatig ng napipintong pagkikita nilang muli ni Jethro. Mapagpalaya at may pag-asang mababawi nina Laya ang lupang inagaw sa kanila.

Maiiwan ang manonood sa isang pagnganga.

surprise.jpg

Sino ang mag-aakala na ang isang anak ng magsasaka ay ma-iinlove sa isang habulin na photographer? Posible pala ang imposible. ‘Yan ang isa sa mga premise ng Klik na linya rin ng kanta nina Laya at Jethro.

Mahalaga ang musika sa paglilipat lipat ng mga serye sa dula. Hindi buo ang dula kung wala ang mga kanta. Tula ang mga linya ng kanta, mala-Up Dharma Down at Yeng Constantino. Ang musika ni Marco Antonio Rodas ay nakamamangha sa paghahalo ng iba’t ibang genre: pop, Broadway, jazz, at rock.

Apat na taon isinulat ni Aguila ang buong musical. Dalawang buwan din itong nirehearse ng mga taga-Lucena. Nang mapanood ko ang aktwal na produkto ng kanilang nilikha, naniniwala akong dapat itong ihanay bilang isang dekalibreng mga dula sa Pilipinas, sa isang banda’y komedya, sa isang banda’y satiriko, at sa isang banda’y social realism.

Kung marami pang musical na ganito, lokal ang konteksto, nakakakilig pero may lalim, aba’y hindi lang puro-On My Own ni Lea Salonga ang magiging bukambibig ng taumbayan sa tuwing sasabihin ang salitang musical.

Para sa akin, dapat itong panoorin sa Maynila nang mas marami ang makaramdam na hindi tanga at sunod-sunuran ang Pilipino sa industriya ng Broadway. Ipalalabas daw ito sa UP Diliman sa Nobyembre 2016. Abangan natin! Gusto ko pang ulit-ulitin kung may pagkakataon. Hindi nakakaumay. Nakakabitin pa nga! Sana’y may susunod pang installment mula kay Reuel Aguila at Marco Antonio Rodas.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s